Linggo, Setyembre 5, 2010

chimera


Paano ba magtatagpo ang mga pusong nagkalayo
Kung sa simula’t simula pa’y wala namang tayo?
Oo’t minsang nagkalapit, ngunit hindi naging isa;
Halika’t sabihin mo, sapagkat ako’y lito na.

Paano ba maibibigay ang puso ko sa ‘yo
Kung matagal mo na nga itong inangkin ng buo?
Ang iyo nama’y ipinagkatiwala na sa iba;
Ako’y ‘di naalala, at sa ‘ki’y walang natira.

Paano ba sasabihin na ika’y sa akin lamang
At ako’y iyo rin ng walang pag-aalinlangan,
Kung sa paligid nati’y marami namang humahadlang
At ang pag-ibig nati’y wala ring patutunguhan?

Ah! Isang kahibangan pala ang aking iniisip;
‘Di ba, walang ‘tayo’ at walang ‘pag-ibig natin’?
Isang ilusyon na ako lang naman ang nagnanais,
Gisingin mo na ako sa aking pagkakahimbing.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento