Pinatawad ko na kayo. Tapos na kasi iyon eh. Saka tatlong taon naman na ang nakalilipas. Marami na ang nangyari sa akin. Iba-iba man kayo ng dahilan, basta ang alam ko, iniwan niyo ako, pinahirapan, at pinarusahan sa kasalanang hindi ko naman ginawa. Mahabang panahon akong nagdusa, at sa mga panahong wala akong malapitan, makapitan at masabihan, may iilan pa ring nanatiling gumabay, umalalay, at naniwala sa akin.
Hindi ko alam ang gagawin ko. Talagang wala akong kaalam-alam sa mga nagaganap sa paligid ko. Masyado akong naging self-centered at apathetic, kaya ako lagi ang nahuhuli sa balita. Wala akong pakialam sa iba, dahil ang katwiran ko, buhay nila iyon. Kung anong gusto nilang gawin sa mga buhay nila, bahala sila, basta huwag din nila akong pakikialaman sa kung anong gusto ko. Kahit na nasa ikatlong taon na ako ng haiskul noon, nanatili pa rin akong mangmang at inosente sa mga bagay-bagay na dapat pala ay alam ko. Hanggang sa nangyari na nga ang hindi ko inaasahan. Nasangkot ako sa isang gulo nang hindi ko namamalayan. At sa isang iglap, parang naglaho ang lahat. Gumuho ang mundo ko at para akong binagsakan ng langit at lupa.
Ang natatandaan ko lang talaga mula sa simula’t simula, nagbotohan sa Chemistry. Kampanteng-kampante pa ako at nagbibiro pa ako, dahil alam kong wala akong ginawang masama. Tapos bigla na lang akong pinatawag, at nalaman ko nga na marami ang bumoto sa akin. Dapat nga matuwa ako kasi para akong pulitiko na nanalo sa eleksyon, pero hindi. Walang sinuman ang matutuwa at magsasaya sa masamang balita. Kinausap ako, at pagkatapos noon, hiyang-hiya ako sa sarili ko. Umiyak ako, nanangis, ngunit walang umalo sa akin. Alam kong wala akong ginawang masama, dahil wala akong alam sa nangyari, pero para akong kriminal kung ituring ng lahat. Nanliliit ako sa sarili ko, halos wala na akong mukhang maiharap dahil sa kahihiyan. Gusto ko ng mamatay ng mga sandaling iyon, pero hindi ko kaya kasi kailangang may patunayan ako sa kanila. Kailangang patunayan ko na inosente ako at wala akong kasalanan. Pinanghawakan ko ang paniniwala ko na hindi ako pababayaan ng Diyos, na matatapos din ang lahat.
Nagkunwari akong ayos lang ako habang pinagdadaanan ko ito. Nagpanggap ako na parang ordinaryong araw lang ang bawat araw na kasama ko ang mga kaklase ko. Nagpaparamdam ako, pero para silang mga manhid. Tinanong ko ang iba pagkatapos ng botohan, pero ang sabi lang nila ay baka may masaktan. Pagkatapos noon, parang wala lang. Napadalas ang pag-iyak ko sa paaralan, at napansin ko na tinitingnan lang nila ako. Iniisip ko kung anong iniisip nila habang umiiyak ako. Baka naaawa sila sa akin, o hindi naman kaya’y nagi-guilty. Pero wala pa ring lumapit sa akin, wala.
Expulsion. Ito na yata ang pinakamatinding parusa na pwedeng mangyari sa akin. Takot na takot ako nang malaman ko ito. Bakit ako patatalsikin sa eskwelahan gayong wala naman akong kasalanan? Hindi patas iyon. Paano na ang lahat ng mga pinaghirapan ko para makapagtapos ako? Paano na ang mga magulang ko? Anong gagawin ko? Maraming tanong ang gumugulo sa isip ko. Litong-lito ako. Ipinapanalangin ko na sana maresolba na kaagad ang problema. Bawat araw na lumilipas ay waring napakatagal. Nais ko nang lumaya ngunit hindi ako makaalpas. Gusto ko nang bumigay.
Sa panahong naninimdim ako, sa panahong lihim akong tumatangis sa ilang, hindi ko ito sinabi sa aking mga magulang. Sinikreto ko ito dahil ayaw kong dagdagan ang mga problema nila. Masyado na silang maraming iniiisip kaya naman ayaw ko nang dagdagan pa ang mga pasanin nila. Akala ko malulutas ko ito nang hindi nila nalalaman, at kung malaman man nila, naayos ko na ito. Akala ko uubra ang taktikang ito, pero hindi umayon sa akin ang kapalaran dahil nalaman din nila. Pinagsisihan kong hindi ko ipinaalam sa kanila ang pasakit na dinadala ko. Kailangan pala iyon kasi kilala ka nila. Sila ang nakakaalam kung ano ka ba talaga dahil anak ka nila. Doon ko napagtanto na kapag tinalikuran ka na ng mundo, hindi ka iiwan ng pamilya mo. Hinding-hindi. Sadyang napakadakila talaga ang pagmamahal ng magulang sa anak kaya kahit anong gawin ng anak, hinding-hindi niya mapapantayan ang sakripisyo at pagmamahal ng magulang. Masaya ako dahil nagtiwala sila sa akin, at nagpapasalamat din ako dahil may isang guro na alam kong hindi ako pinabayaan. Ang gurong aking tinutukoy ay walang iba kung hindi ang aming adviser. Alam kong naniwala siya sa akin, dahil siya ang nagsabi sa aking ina na pinatunayan ko namang wala akong kasalanan. at hanggang sa ngayon ay naniniwala pa rin akong may tiwala pa rin siya sa akin. Simula noon, naging idolo ko siya at ipinangako kong magiging proud siya dahil marami siyang naituro sa akin.
Habang nararanasan ko ito, gumawa ako ng sarili kong diskarte. Alam kong wala ako sa lugar para gawin iyon, pero sinubukan ko pa ring kilalanin kung sinu-sino ang mga bumoto sa akin at kung bakit nila ginawa iyon. Masakit, parang dinudurog ang puso ko habang unti-unti kong nalalaman ang katotohanan. Ginawa siguro nila iyon para mawala na ako, para pag-trip-an, at ang iba naman ay nakisawsaw lang. Para ba maging masaya kayo at ‘in’ kailangan pa ba ninyong magpahamak ng iba? Para akong tanga kahahanap ng sagot kung bakit nangyari sa akin iyon. Naisip kong kasalanan ko rin. Kasalanan ang pagiging self-centered, apathetic, mangmang, at pagiging out-of-place. Hiniling ko na sana, hindi ako nagbiro, na sana mas kinilala ko pa sila, na sana hindi nangyari ito. Ngunit huli na pala. Muntik na akong masira. At ang mas masakit pa sa lahat, wala man lang nag-sorry sa akin. Parang okay lang na may nasaktan sila. At sa tuwing naaalala at hinahanap nila ang taong nagpasimula ng lahat ng ito, para akong sinasampal sa harap ng mga magulang ko. Halos lahat ay nag-aalala para sa kanya, samantalang wala man lang nakaalalang humingi ng dispensa sa aming dalawa na wala naman talagang kasalanan.
Habang ginagawa ko ito, hindi ko mapigilan ang pagtulo ng luha ko. Buti na lang at tulog na ang lahat. Kasi, kahit na tatlong taon na ang nakalilipas, nararamdaman ko pa rin ang sakit. Sa tuwing nagbubulay-bulay ako at bigla ko na lang itong naaalala, nagsisilbi itong bangungungot na hinding-hindi ko matatakasan kailanman. At sa paglipas ng panahon, unti-unting naghilom ang malalim na sugat sa puso ko. Marami akong natutunan mula sa karanasang iyon. Unti-unti akong namulat sa realidad ng mundong marahas. Pinakawalan ako nito sa pinaniniwalaan kong mundo ng pantasya. Nagising ako sa katotohanan at nagbago ako.
Pinatawad ko na kayo. Tapos na kasi iyon eh. Saka tatlong taon naman na ang nakalilipas. Marami na ang nangyari sa akin. Iba-iba man kayo ng dahilan, basta ang alam ko, iniwan niyo ako, pinahirapan, at pinarusahan sa kasalanang hindi ko naman ginawa. Mahabang panahon akong nagdusa, at sa mga panahong wala akong malapitan, makapitan at masabihan, may iilan pa ring nanatiling gumabay, umalalay, at naniwala sa akin. At ngayon, handa na ako. Handa na akong harapin ang lahat nang buong tapang. Kahit na nagkaroon ako ng mapait na karanasan, masaya ako. Itinuro niyo sa akin kung paano ang maging isang totoong tao, kung paano i-appreciate ang iba’t ibang emosyon na aking nararamdaman at kung paano harapin ang iba’t ibang klase ng problema. At kahit na nagkaroon ng hindi magandang pangyayari sa ating mga buhay, nagkaroon man ako ng hinanakit sa iilan sa inyo, hindi ko magawang magalit nang husto sa inyo dahil mas pinahahalagahan ko ang lahat-lahat ng mga pinagsamahan natin bilang ES1, at higit sa lahat bilang magkakaibigan. Kalimutan na natin ang hindi magagandang alaala, at sana’y mapatawad niyo rin ako sa mga nagawa kong hindi niyo nagustuhan. Mahalaga kayo sa akin dahil naging parte kayo ng buhay ko at dahil MAHAL ko kayo.
Sorry sa lahat kasi ginawa ko ito. Hindi ko alam kung bakit bigla ko na lang itong naisulat, pero siguro panahon na para malaman niyo kung ano ang naramdaman at nararamdaman ko. Nais ko lang ibahagi sa inyo ito, at sana matuto na tayo sa pagkakamali ng iba gayundin sa mga pagkakamaling ginawa natin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento