Linggo, Setyembre 5, 2010

enmity

Ako si Elle, ang taong ‘di maintindihan ang sarili. Oo, ganito ako, ‘di ko nga alam kung bakit eh. Ang ewan ko talaga noh? Basta ganun ‘yon. Mahilig akong mag-imagine ng kung anu-anong bagay. At sa imagination ko, isa akong half-witch, half-vampire. Na ang tatay ko ay isang pureblood na super vampire at ang nanay ko naman ay ang emperatris sa kaharian ng mga witch at warlock na may golden hearts. Dahil sa pagkahilig ko sa mga skulls, voodoo dolls, at kung anu-ano pang mga nakakatakot na bagay, nangibabaw ang pagiging witch ko. Pero dumadaloy pa rin sa mga ugat ko ang dugo ng isang pureblood. Marami akong kwento ngunit hindi naman pwedeng maganap ang mga ito sa totoong buhay. Ang mundo ko ay nasa pagitan ng realidad at kathang-isip. At sa mundong iyon ay tanging ako lamang ang nabubuhay, ako lang.

Sa buhay ko, may mga bagay na hindi ko maaaring ikaila at ang mga bagay na iyon ang nagkulong sa akin sa isang hawla na puno ng kalungkutan at pagpapakasakit. Sino ba naman ang hindi masasaktan kung sa tuwina’y pinupuna at hinuhusgahan ka ng iyong kapwa? Sino ba naman ang hindi maghihirap kung lagi-lagi ay nilalait ka ng iba? Sino ba naman ang hindi malulungkot kung walang nakakaintindi sa pagdurusa mo? Sino? Kulang na nga lang ay mamatay na ako para hindi ko na maranasan ang lupit ng mga tao at ang bangis ng mundong ginagalawan ko.

Minsan, iniisip ko kung ano ba talaga ang mali sa akin. Iniisip ko kung bakit ganoon ang mga tao. Sa madaling sabi, galit ako sa kanila. Ayaw ko sa mga tao. Ayaw kong maging tao. Ayaw ko sa buhay na ito at ayaw kong mabuhay sa mundong ito. Nahihirapan ako. Kung katulad lang sana ako ng iba, ‘di siguro ako nagkakaganito. Hindi pa man naimbento at nagsulputan ang mga emo, nag-e-exist na ako. Talagang nawiwindang ako sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Parang wala na kasi itong katapusan.

Mula nang magkaisip ako, naging marahas na ang mundo sa akin. Parusa ba ito ng Diyos sa akin? Bakit ganito? Isinisisi ko ang lahat sa mundo. Kasalanan ng mundo kung bakit ako ganito. Bakit hindi magawang suklian ng mundo ang pagmamahal ko? Bakit hindi nito magawang tanggapin ang isang tulad ko? Minahal ko naman ang mundong ito ah. Ano bang masama? Kahit anong pilit ko, wala pa rin akong magawa. At kung may magawa man ako, wala rin akong mapapala. Para saan pa at nabuhay ako sa mundong ito? Bakit pa ako nandirito? Wala namang mangyayari sa akin kung mananatili pa ako, ‘di ba? Hayyy…

Sa paglipas ng panahon, ang katauhan kong ito ay waring nabalot pa rin ng misteryo. Unti-unting natabunan ang mga tanong ko sa bawat pag-inog ng mundo. Unti-unting nagbago ang daloy ng aking dugo, ang dugong nananalaytay sa aking mga ugat na tumutuloy-tuloy hanggang sa kaibuturan ng aking puso. Unti-unti akong nahimbing dahil sa pag-aaliw sa akin ng mga pagbabago sa mundo. Hindi ko na namalayan na unti-unti na pala akong nililibang ng mundong ito upang makalimutan ko ang mga ginawa nito sa akin. At sa mga paunti-unting ito ay unti-unting nahimlay ang aking kamalayan sa kawalan…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento